John Lennon

Isa sa mga pinakareaksyonaryong linya ni John Lennon ay matatagpuan sa “Working-Class Hero”: “Mga putang inang paysano lang kayo sa mga mata ko”. Bagaman tinutuya niya ang mga social climber na ang tingin sa sarili’y lampas na sa usapin ng uri (at tunggalian ng mga uri), napanghahalata sa kanyang paggamit bilang pejorative sa “paysana” ang kanyang limitadong pagkakaintindi sa sitwasyong panlipunan labas sa Kanluran. Bagaman si Lennon din ang nagsulat ng mas lalo pang reaksyonaryong “Revolution”, dahil lumabas iyon noong nasa Beatles pa siya, irereserba ko ang mga hirit ko sa kanyang iyon pagdating ng sanaysay ko tungkol sa banda.

Photo by Pixabay on Pexels.com

Hindi lang sa pulitika mali-mali si Lennon. Sa simula ng “Happy Xmas”, halimbawa, sinabi niya, “Ito pala ang Pasko, anong ginawa mo? Isang taon na naman ang natapos, isang taon na naman ang nagsimula”, na para bang walang Disyembre 26 hanggang 31. Ito’y lantarang panunupil sa anim na araw, at pagrerebisa sa kahulugan ng “taon”. Hubad itong pagsasakripisyo sa harap ng altar ng–ano?–poetic license? Hindi nga ba’t isinasaayos ng kapitalismo ang buhay natin sa mga susing araw ng konsumerismo, (Pasko, Bagong Taon; tingnan lalo na ang 11/11, 5/5, atbp). Katulad lang din ito ng pagtapat ng estasyon ng MRT sa mga mall (bakit kailangang magkatabi ang Shang at Ortigas, at sobrang layo ng Annapolis sa Ortigas?) (utang ko ang kabatirang ito kay Michael Andrada), pinapalabas na “wala” o “hindi binibilang” (“doesn’t count”) ang mga espasyong hindi pinagkakakitaan. Nang igugel ko ang “John Lennon song used in commercial” pala lang iberipika na tama akong ginamit ang linya ng “Beautiful Boy” (na tungkol sa kanyang anak) (“Araw-araw sa bawat paraan, naging mas mahusay”) sa palatastas ng Philips, susmaryosep natuklasan kong hindi lang pala ang kantang ito kundi marami pa ang ginamit ng iba’t ibang multinasyonal na kompanya. Gaano man kasinsero ang pagkakritikal na Lennon sa kapitalismo, talagang mahirap iwasan ang pag-angkop ng makinang ito.

Pero hindi kailangang kainin ng kapital ang “Imagine” para maging isa sa pinakakinamumuhian kong kanta. Ito ang pambansang awit ng lahat ng virtue signaller na naengkwentro ko, at sa videoke sa Xmas party sa aming departamento man o sa episode ng Dawson’s Creek, hindi ko talaga mapigilang uminit ang ulo pag binabanggit (o, mas malala, kinakanta) ito.

Syempre pa, hindi ako naniniwala sa seksistang mito na sinira ng alagad ng sining na si Yoko Ono ang Beatles. Sa pagkakaintindi ko, ang ego nina Lennon at Paul McCartney ang tumapos sa kanilang samahan. Sa YouTube, pwede mong isearch ang “Yoko Ono Firework” at mapupunta ka sa isang channel na puro nga ganoon ang teksto, cover daw ni Yoko Ono ng “Someone Like You” at “I Knew You were Trouble”. Tutugtog ang musika, at sisigaw si Yoko Ono: “Aaaa gaaa waaa”. Akala ko ang galing-galing ni Yoko Ono, at ilang taon pa bago ako sabihan ng isang kaibigan na ginawa lang pala ito ng YouTube bilang parodiya. Saktong-sakto kasi sa imahen ni Yoko Ono bilang alagad ng sining. Pero hindi naman ako masyadong nahihiya, kasi hindi alam ng mga commenter sa mga video na parodiya nga ito, at panay pa rin sila ng hirit na “hindi marunong kumanta” si Yoko Ono, at na, oo, pineste niya ang Beatles. May mga tao talagang walang sense of humor.

U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.

Queen

Nasa elementarya ako nang una kong maengkwentro ang Queen. May binisita kaming eskwelahan, at may kumanta ng “Bohemian Rhapsody”. Akala ko talaga tungkol ito sa isang OCW (hindi pa OFW ang tawag sa mga nag-aabroad noon), hindi ko na maalala kung bakit, basta iyon nga, “Nanay, kakapatay ko lang ng tao”. Hindi ko pa alam na kanta ng Queen iyon. Hindi ko rin alam na kanta ng Queen ang “Flash”, o ang “Princes of the Universe”, na alam ko bilang bahagi ng opening ng Highlander (isa sa mga paborito kong palabas sa telebisyon).

Photo by Pixabay on Pexels.com

Noong huling bahagi ng 90s at maagang bahagi ng 2000s, nahilig kami ng tatay ko sa pagbili ng mga CD at VCD. Isa sa mga una naming nabili ang koleksyon ng mga kanta ng Queen. Paborito niya ang “I Want to Ride a Bicycle”, dahil daw kinokumpirma nito na tama ang pagbigkas niya ng “baysikol”. Wala ang “Flash” at “Princes of the Universe” sa binili naming CD. Wala rin ang isa sa pinakamahusay na kanta nila: “Too Much Love Will Kill You”. (Ang isa sa nasa CD? “Fat-Bottomed Girls”.)

Ang maganda sa Queen, hanggang ngayon nakakagusto pa rin ako ng awit na saka ko lang malalaman na sila pala ang gumawa (pagkarinig sa radyo sa kotse, itatanong ko sa asawa ko: “Sinong kumanta nito?”). Ito ang kaso sa “Radio Ga Ga”, at “Ice Ice Baby” (este, “Under Pressure”).

Dahil siguro hindi puro awit ng pag-ibig ang likha, hinog ang Queen para sa mga maling dinig. Sabi halimbawa ng kaklase ko noong kolehiyo, ang linyang “Walang oras para sa mga taluhan” ng “We are the Champions” ay nasa Latin. Hindi ko na maalala kung ano ang ibinigay niyang ibig sabihin nito, pero alam kong hindi ko rin maintidihan ang linya, at naniwala ako sa kanyang paliwanag.

Pero ang kantang alam na alam ko ang lyrics sa panahong ito ay ang sa “Bohemian Rhapsody”. Nga lang, sa kaso yata ng kantang ito, kailangan kong aminin na hindi sapat ang lyrics para maintindihan. Sa kasong ito, kailangan ko yatang sabihin na may wika ang musika na hindi ko kayang isalin sa prosa. May kahulugan ang mga pangungusap sa kanta, pero hindi sila maaaring tumindig bilang mga pangungusap lamang. May iba silang pag-iral kasama ang musika, at ang tekstong ito (ang musika) sa kabuuan ang kinahuhumalingan ko. (Paumanhin sa pagiging metapisikal.)

Hindi ko napanood ang pelikulang Bohemian Rhapsody (2018, hindi ko na babanggitin kung sino ang direktor), at hindi ko alam ang mga detalye sa buhay ni Freddie Mercury. Isang homophobic na kamag-anak ang nagsabi sa aking “pinagtawanan” daw si Mercury nang mamatay mula sa komplikasyon dulot ng AIDS. Hilingin ko mang hindi sana ito totoo, alam kong malamang sa malamang ay totoo nga. Gayumpaman, ang alagad ng sining ay maaaring tumagal ng 10,000 taon, samantalang ang mga tumutuligsa sa kanya’y mas maagang nawawala. Hindi lang naman kultural na imperyalismo ang dahilan kung bakit humaling na humaling ako sa musika ng Queen. (Pero, devil’s advocate, “Sino ang gustong mabuhay nang walang hanggan?”)

Dahil nga hindi ako marunong kumanta, gusto ko ang mga kanta ng Queen dahil pwede silang isigaw. Bukod sa “We are the Champions”, nariyan ang “We Will Rock You”. May lyrics ito, at ngayong pagkatsek ko lang natuklasan na malungkot pala ang banghay. Buong akala ko’y nagtagumpay si Buddy. Iyon pala nauwi din siya sa pagkakaoon ng putik sa mukha, sa pagiging “malaking kahihiyan”. Nasorpresa na naman ako ng Queen.

U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.

Air Supply

Argumento ang musika ng Air Supply laban sa alyenasyon sa ilalim ng mga modernong rehimen sa Kanluran. Syempre pa, ang artikulasyon ng kritisismong ito’y gumagamit ng bokabularyo ng pag-ibig: “Magpipiging ka buong gabi sa musika at liwanag, pero hindi mo alam ang ibig sabihin ng kaligayahan” (“You’re Every Woman in the World to Me”). Hungkag ang ganitong tagumpay, gaano kapangyarihan ang makamit: “Alam ko ang daan tungo sa yaman, alam ko ang landas tungo sa katanyagan … Kaya kong yanigin ang buong stadium” (“Making Love Out of Nothing At All”).

Photo by . MM Dental . on Pexels.com

Dahil atomistiko ang Kanluraning lipunan, wala silang organikong komunidad na tatakbuhan sa mga sandali ng melankolya. Bagay na bagay kung gayon na sentral sa soundtrack ng Kita Kita (2017, dir. Bernardo) ang “Two Less Lonely People in the World”. Sa Japan, syempre, na nasa abanteng yugto ng kapitalismo, tanging romantikong relasyon lamang ang makakapagbigay ng kalinga at alaga, na mas maasahan natin sa ilalim ng mas makataong moda ng produksyon. Maaari nating sabihin na hindi naman talaga pagnanasa (eros) ang namagitan sa pagitan nina Lea (Alessandra de Rossi) at Tonyo (Empoy Marquez), kundi pagkakaibigan (philia). Nga lang, hindi natin maihiwalay ang pag-ibig (love, hindi lang romantic love) sa ideya ng pag-aari, laging nangingibabaw hindi lang ang “ako”/”I”, kundi ang “akin”/”mine”.

Laban sa pagtingin sa pag-ibig (at sa mga tao) sa lente ng kalkulasyon ng sarap, maaari nating itapat ang katapatan. Bida ang birtud na ito sa dalawang kanta ng Air Supply, ang “Come What May” (mula sa 1982 album na Now and Forever) at “Just as I Am” (mula sa 1985 album na Air Supply). Sa dalawang kantang ito, “walang silbi” o gamit ang persona. Gayumpaman, “Hindi niya [ako] hinuhusgahan” (“Come”) at “Mahirap akong intindihin, pero inaalok mo ang iyong kamay” (“Just”). Ang mga ganitong uri magmahal ay kadalasang itinuturing na “tanga”, dahil nga pabigat o palamunin na ang lalake, pero hindi naman iniiwan ng babae. Sa isang banda, seksista nga naman ang imahen ng mga babaeng matiisin at mapagsakripisyo. Sa ibang banda, ano nga namang mangingibig iyong tatakbo pag mayroon nang problema? Lahat ng pag-ibig ay sugal, dahil wala kang garantiya na hindi ka masasaktan, kahit pa hindi sadyain ng kapareho mo na saktan ka, kahit nga maging tapat siya sa iyo hanggang kamatayan (dahil pag namatay siya, masasaktan ka). “Jouissance” ang tawag ng diskurso ng sikoanalisis dito sa sarap na sakit. Pinakamainam itong napormula sa remake na pelikulang Ocean’s Eleven (2001, dir. Steven Soderbergh). Tanong ni Ocean (George Clooney): “Pinapatawa ka ba niya?” Sagot ni Tess (Julia Roberts): “Hindi niya ako pinapaiyak.” Dito pa lang, alam na ng manonood na magkakabalikan ang dalawa, dahil hindi naman nakasandig ang isang relasyon sa hindi pagpapaiyakan (kumbaga, kasama iyon ang pinasok mo), kundi sa pagpapatawanan. Ano ang kinalaman ng lahat ng ito sa kritika ng modernong mundo sa musika ng Air Supply? Na hindi dapat tayo matakot sa anomang sakit na mararanasan natin sa mga taon ng transisyon mula kapitalismo. Kasama ito sa pinakasok natin, sa ating pagtatangkang magtatag ng rehimen na ang pundasyon ay pag-ibig.


U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.

Taylor Swift

May linya sa “Red” (mula sa 2012 album na Red) na hindi ko maisalin nang hindi naiinterpreta: “Ang pagkalimot sa kanya ay parang pagkilala [know] sa taong hindi ko pa nga nakikilala [met].” Sa madaling sabi, imposibleng kalimutan ang lalakeng ito. Samantalang hinihiling natin sa mga mang-aawit na pumaksa ng ibang isyu bukod sa pag-ibig, pinakamahusay talaga si Taylor Swift pag nananatili siya sa abalahing ito. Pag lumilihis siya nang kaunti at nagsusubok magkomento tungkol sa “buhay,” nauuwi sa kahungkagan na kailangang suportahan ng music video para maging maganda (“Shake It Off”), o di kaya’y kahungkagang may iilang linyang nakakatawa (“Mean”: “panay pa rin ang dada na hindi ako marunong kumanta”).

Photo by Wendy Wei on Pexels.com

Hindi sa perpekto ang mga awit ng pag-ibig. Nilalahad, halimbawa, ng “You Belong With Me” ang katotohanang “walang sekswal na relasyon.” Kung paniniwalaan ang persona, bagay na bagay sila ng lalakeng kausap. Habang sinisiraan ang karibal, isa sa binida ng persona ay kakayahan niyang umintindi: “Hindi niya naiintindihan ang mga patawa mo, tulad ko.” Alam pa nga raw ng persona ang mga paboritong kanta ng lalake. Pero bakit hindi pa rin nito alam na sila ang dapat magkatuluyan? Syempre, dahil walang parehang perpekto ang pagkaakma. (Ikumpara kay Colbie Caillat: “Kung matanto mo lang ang natanto ko, magiging perpekto tayo para sa isa’t isa.” Hindi nga ba’t may kolaborasyon ang dalawa sa “Breathe” mula sa 2008 album na Fearless.)

Ano nga ba ang kapangyarihan ng mga awit ng pag-ibig? Sa kaso ni Swift, nagawa niyang barahin kahit si Shakespeare (“Love Story”: “Kinausap ko ang tatay mo, pumili ka na ng damit pangkasal”). Dalawang buhay sana ang naligtas kung may sapat na dunong ang labing pitong taong gulang na naman na si Romeo na kausapin ang kanyang tiyuhin. Samantala, sa “Fifteen,” nalahad ni Swift ang isang susing kabatiran tungkol sa ideolohiya: “Pag kinse anyos ka, at may nagsabi sa iyong mahal ka niya, maniniwala ka.” Kulang nga lang, kasi anoman ang edad mo, pag may nagsabi sa iyong mahal ka niya, maniniwala ka. Kaya nga kaawa-awa ang persona ng “All Too Well.” Kilig na kilig siguro ito nang magsayaw sila sa kusina na galing lang sa refrigerator ang ilaw. Parang eksena mula sa pelikula! Ang “All Too Well” na tinutukoy dito ay hindi ang mga detalye tungkol sa paglabag sa batas trapiko o pagsusuot ng salamin bilang bata, kundi ang tindi ng lugod na nararanasan ng taong nasabihan ng “Mahal kita.” Hindi naman talaga kaswal na malupit ang lalakeng nang-iwan, kaswal siyang malupit dahil nang-iwan siya. May elemento ng pantasya ang pag-ibig, at sa “Wildest Dreams” may pagtanggap na si Swift na nagtatapos ang mga relasyon. Nagsisimula pa lamang ang kanilang ugnayan ay alaala na inaabala ng persona, dahil nga sa huli, ang mga pantastikong alaala na lang na ito ang natitira. 

Eksepsyon sa batas sa unang talata ang “The Lucky One,” na interteksto ni Swift sa “Lucky” ni Britney Spears. Samantalang nalugmok lang sa iyak ang inaawitan ni Spears, tumakas ang “Lucky One” ni Swift. Sa pagdiriwang ni Swift sa landas na ito (“kinuha mo ang pera mo at dignidad mo at tumakas ka”), sinasabi niyang iba ang pera sa katanyagan. Maari tayong gumawa ng matrix (P = pera, K = katanyagan, + = mayroon, – = wala): +P/+K (Elon Musk), -P/+K (Spears), +P/-K (“Lucky One”), -P/-K (ang nagsulat at nagbabasa sa sanaysay na ito). Sa ganitong eskema, tama nga ang “Lucky One” dahil walang silbi ang Katanyagan kung walang Pera. Paano natin ito maitatahi sa ideolohiya ng obra ni Swift? 

Ang pagnanasa, pag-ibig, at pag-alala ay pagkilala, na siya rin namang hinahangad ng mga humahabol sa katanyagan. Pero aanhin naman ang pagkilalang ito kung walang laman ang tyan? 

U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.