Air Supply

Argumento ang musika ng Air Supply laban sa alyenasyon sa ilalim ng mga modernong rehimen sa Kanluran. Syempre pa, ang artikulasyon ng kritisismong ito’y gumagamit ng bokabularyo ng pag-ibig: “Magpipiging ka buong gabi sa musika at liwanag, pero hindi mo alam ang ibig sabihin ng kaligayahan” (“You’re Every Woman in the World to Me”). Hungkag ang ganitong tagumpay, gaano kapangyarihan ang makamit: “Alam ko ang daan tungo sa yaman, alam ko ang landas tungo sa katanyagan … Kaya kong yanigin ang buong stadium” (“Making Love Out of Nothing At All”).

Photo by . MM Dental . on Pexels.com

Dahil atomistiko ang Kanluraning lipunan, wala silang organikong komunidad na tatakbuhan sa mga sandali ng melankolya. Bagay na bagay kung gayon na sentral sa soundtrack ng Kita Kita (2017, dir. Bernardo) ang “Two Less Lonely People in the World”. Sa Japan, syempre, na nasa abanteng yugto ng kapitalismo, tanging romantikong relasyon lamang ang makakapagbigay ng kalinga at alaga, na mas maasahan natin sa ilalim ng mas makataong moda ng produksyon. Maaari nating sabihin na hindi naman talaga pagnanasa (eros) ang namagitan sa pagitan nina Lea (Alessandra de Rossi) at Tonyo (Empoy Marquez), kundi pagkakaibigan (philia). Nga lang, hindi natin maihiwalay ang pag-ibig (love, hindi lang romantic love) sa ideya ng pag-aari, laging nangingibabaw hindi lang ang “ako”/”I”, kundi ang “akin”/”mine”.

Laban sa pagtingin sa pag-ibig (at sa mga tao) sa lente ng kalkulasyon ng sarap, maaari nating itapat ang katapatan. Bida ang birtud na ito sa dalawang kanta ng Air Supply, ang “Come What May” (mula sa 1982 album na Now and Forever) at “Just as I Am” (mula sa 1985 album na Air Supply). Sa dalawang kantang ito, “walang silbi” o gamit ang persona. Gayumpaman, “Hindi niya [ako] hinuhusgahan” (“Come”) at “Mahirap akong intindihin, pero inaalok mo ang iyong kamay” (“Just”). Ang mga ganitong uri magmahal ay kadalasang itinuturing na “tanga”, dahil nga pabigat o palamunin na ang lalake, pero hindi naman iniiwan ng babae. Sa isang banda, seksista nga naman ang imahen ng mga babaeng matiisin at mapagsakripisyo. Sa ibang banda, ano nga namang mangingibig iyong tatakbo pag mayroon nang problema? Lahat ng pag-ibig ay sugal, dahil wala kang garantiya na hindi ka masasaktan, kahit pa hindi sadyain ng kapareho mo na saktan ka, kahit nga maging tapat siya sa iyo hanggang kamatayan (dahil pag namatay siya, masasaktan ka). “Jouissance” ang tawag ng diskurso ng sikoanalisis dito sa sarap na sakit. Pinakamainam itong napormula sa remake na pelikulang Ocean’s Eleven (2001, dir. Steven Soderbergh). Tanong ni Ocean (George Clooney): “Pinapatawa ka ba niya?” Sagot ni Tess (Julia Roberts): “Hindi niya ako pinapaiyak.” Dito pa lang, alam na ng manonood na magkakabalikan ang dalawa, dahil hindi naman nakasandig ang isang relasyon sa hindi pagpapaiyakan (kumbaga, kasama iyon ang pinasok mo), kundi sa pagpapatawanan. Ano ang kinalaman ng lahat ng ito sa kritika ng modernong mundo sa musika ng Air Supply? Na hindi dapat tayo matakot sa anomang sakit na mararanasan natin sa mga taon ng transisyon mula kapitalismo. Kasama ito sa pinakasok natin, sa ating pagtatangkang magtatag ng rehimen na ang pundasyon ay pag-ibig.


U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.