John Lennon

Isa sa mga pinakareaksyonaryong linya ni John Lennon ay matatagpuan sa “Working-Class Hero”: “Mga putang inang paysano lang kayo sa mga mata ko”. Bagaman tinutuya niya ang mga social climber na ang tingin sa sarili’y lampas na sa usapin ng uri (at tunggalian ng mga uri), napanghahalata sa kanyang paggamit bilang pejorative sa “paysana” ang kanyang limitadong pagkakaintindi sa sitwasyong panlipunan labas sa Kanluran. Bagaman si Lennon din ang nagsulat ng mas lalo pang reaksyonaryong “Revolution”, dahil lumabas iyon noong nasa Beatles pa siya, irereserba ko ang mga hirit ko sa kanyang iyon pagdating ng sanaysay ko tungkol sa banda.

Photo by Pixabay on Pexels.com

Hindi lang sa pulitika mali-mali si Lennon. Sa simula ng “Happy Xmas”, halimbawa, sinabi niya, “Ito pala ang Pasko, anong ginawa mo? Isang taon na naman ang natapos, isang taon na naman ang nagsimula”, na para bang walang Disyembre 26 hanggang 31. Ito’y lantarang panunupil sa anim na araw, at pagrerebisa sa kahulugan ng “taon”. Hubad itong pagsasakripisyo sa harap ng altar ng–ano?–poetic license? Hindi nga ba’t isinasaayos ng kapitalismo ang buhay natin sa mga susing araw ng konsumerismo, (Pasko, Bagong Taon; tingnan lalo na ang 11/11, 5/5, atbp). Katulad lang din ito ng pagtapat ng estasyon ng MRT sa mga mall (bakit kailangang magkatabi ang Shang at Ortigas, at sobrang layo ng Annapolis sa Ortigas?) (utang ko ang kabatirang ito kay Michael Andrada), pinapalabas na “wala” o “hindi binibilang” (“doesn’t count”) ang mga espasyong hindi pinagkakakitaan. Nang igugel ko ang “John Lennon song used in commercial” pala lang iberipika na tama akong ginamit ang linya ng “Beautiful Boy” (na tungkol sa kanyang anak) (“Araw-araw sa bawat paraan, naging mas mahusay”) sa palatastas ng Philips, susmaryosep natuklasan kong hindi lang pala ang kantang ito kundi marami pa ang ginamit ng iba’t ibang multinasyonal na kompanya. Gaano man kasinsero ang pagkakritikal na Lennon sa kapitalismo, talagang mahirap iwasan ang pag-angkop ng makinang ito.

Pero hindi kailangang kainin ng kapital ang “Imagine” para maging isa sa pinakakinamumuhian kong kanta. Ito ang pambansang awit ng lahat ng virtue signaller na naengkwentro ko, at sa videoke sa Xmas party sa aming departamento man o sa episode ng Dawson’s Creek, hindi ko talaga mapigilang uminit ang ulo pag binabanggit (o, mas malala, kinakanta) ito.

Syempre pa, hindi ako naniniwala sa seksistang mito na sinira ng alagad ng sining na si Yoko Ono ang Beatles. Sa pagkakaintindi ko, ang ego nina Lennon at Paul McCartney ang tumapos sa kanilang samahan. Sa YouTube, pwede mong isearch ang “Yoko Ono Firework” at mapupunta ka sa isang channel na puro nga ganoon ang teksto, cover daw ni Yoko Ono ng “Someone Like You” at “I Knew You were Trouble”. Tutugtog ang musika, at sisigaw si Yoko Ono: “Aaaa gaaa waaa”. Akala ko ang galing-galing ni Yoko Ono, at ilang taon pa bago ako sabihan ng isang kaibigan na ginawa lang pala ito ng YouTube bilang parodiya. Saktong-sakto kasi sa imahen ni Yoko Ono bilang alagad ng sining. Pero hindi naman ako masyadong nahihiya, kasi hindi alam ng mga commenter sa mga video na parodiya nga ito, at panay pa rin sila ng hirit na “hindi marunong kumanta” si Yoko Ono, at na, oo, pineste niya ang Beatles. May mga tao talagang walang sense of humor.

U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.