Queen

Nasa elementarya ako nang una kong maengkwentro ang Queen. May binisita kaming eskwelahan, at may kumanta ng “Bohemian Rhapsody”. Akala ko talaga tungkol ito sa isang OCW (hindi pa OFW ang tawag sa mga nag-aabroad noon), hindi ko na maalala kung bakit, basta iyon nga, “Nanay, kakapatay ko lang ng tao”. Hindi ko pa alam na kanta ng Queen iyon. Hindi ko rin alam na kanta ng Queen ang “Flash”, o ang “Princes of the Universe”, na alam ko bilang bahagi ng opening ng Highlander (isa sa mga paborito kong palabas sa telebisyon).

Photo by Pixabay on Pexels.com

Noong huling bahagi ng 90s at maagang bahagi ng 2000s, nahilig kami ng tatay ko sa pagbili ng mga CD at VCD. Isa sa mga una naming nabili ang koleksyon ng mga kanta ng Queen. Paborito niya ang “I Want to Ride a Bicycle”, dahil daw kinokumpirma nito na tama ang pagbigkas niya ng “baysikol”. Wala ang “Flash” at “Princes of the Universe” sa binili naming CD. Wala rin ang isa sa pinakamahusay na kanta nila: “Too Much Love Will Kill You”. (Ang isa sa nasa CD? “Fat-Bottomed Girls”.)

Ang maganda sa Queen, hanggang ngayon nakakagusto pa rin ako ng awit na saka ko lang malalaman na sila pala ang gumawa (pagkarinig sa radyo sa kotse, itatanong ko sa asawa ko: “Sinong kumanta nito?”). Ito ang kaso sa “Radio Ga Ga”, at “Ice Ice Baby” (este, “Under Pressure”).

Dahil siguro hindi puro awit ng pag-ibig ang likha, hinog ang Queen para sa mga maling dinig. Sabi halimbawa ng kaklase ko noong kolehiyo, ang linyang “Walang oras para sa mga taluhan” ng “We are the Champions” ay nasa Latin. Hindi ko na maalala kung ano ang ibinigay niyang ibig sabihin nito, pero alam kong hindi ko rin maintidihan ang linya, at naniwala ako sa kanyang paliwanag.

Pero ang kantang alam na alam ko ang lyrics sa panahong ito ay ang sa “Bohemian Rhapsody”. Nga lang, sa kaso yata ng kantang ito, kailangan kong aminin na hindi sapat ang lyrics para maintindihan. Sa kasong ito, kailangan ko yatang sabihin na may wika ang musika na hindi ko kayang isalin sa prosa. May kahulugan ang mga pangungusap sa kanta, pero hindi sila maaaring tumindig bilang mga pangungusap lamang. May iba silang pag-iral kasama ang musika, at ang tekstong ito (ang musika) sa kabuuan ang kinahuhumalingan ko. (Paumanhin sa pagiging metapisikal.)

Hindi ko napanood ang pelikulang Bohemian Rhapsody (2018, hindi ko na babanggitin kung sino ang direktor), at hindi ko alam ang mga detalye sa buhay ni Freddie Mercury. Isang homophobic na kamag-anak ang nagsabi sa aking “pinagtawanan” daw si Mercury nang mamatay mula sa komplikasyon dulot ng AIDS. Hilingin ko mang hindi sana ito totoo, alam kong malamang sa malamang ay totoo nga. Gayumpaman, ang alagad ng sining ay maaaring tumagal ng 10,000 taon, samantalang ang mga tumutuligsa sa kanya’y mas maagang nawawala. Hindi lang naman kultural na imperyalismo ang dahilan kung bakit humaling na humaling ako sa musika ng Queen. (Pero, devil’s advocate, “Sino ang gustong mabuhay nang walang hanggan?”)

Dahil nga hindi ako marunong kumanta, gusto ko ang mga kanta ng Queen dahil pwede silang isigaw. Bukod sa “We are the Champions”, nariyan ang “We Will Rock You”. May lyrics ito, at ngayong pagkatsek ko lang natuklasan na malungkot pala ang banghay. Buong akala ko’y nagtagumpay si Buddy. Iyon pala nauwi din siya sa pagkakaoon ng putik sa mukha, sa pagiging “malaking kahihiyan”. Nasorpresa na naman ako ng Queen.

U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.