Raymond Chandler: The Detections of Totality

Raymond Chandler: The Detections of Totality

Itong si Fredric Jameson ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nahilig sa teorya, pero aaminin kong hindi ko pa rin maarok ang punyetang three horizons (o, mas espisipiko, kung paano ito i-apply sa panitikan) sa kanyang Political Unconscious. Ang mahalaga sa akin ang bersyon n’ya ng “utopia” ni Bloch. Suma: para maging mahusay na ideolohikal na sandata ang isang teksto, kailangan muna nitong gisingin ang awtentikong pagnanasang utopian sa mambabasa (o manonood). Isa sa mga maaaring gawin ng kritikal na pagbabasa’y ipakita ang elementong utopian ng teksto, at ang pambababoy o perbersyon dito para maging ideolohikal. Sa sitcom na Friends, halimbawa, napakalaki ng apartment nina Monica at Rachelle, samantalang mababa naman ang sweldo nila, at may punto ngang walang trabaho si Monica. Ito ang tekstwal na pagsasakatawan ng awtentiko nating pangarap para sa abot-kayang pabahay.

Photo by Expect Best on Pexels.com

Katulad ng lahat ng teorya, ang mas mahalaga para sa akin kay Jameson ay ang “Jameson” sa aking isip, ang ideya ng Jameson, iyong mga di-umano’y diyalektikal n’yang pangungusap na isang araw ay magagawa ko ring isulat. Sopistikasyon pagdating sa kultura, pero materyalista ang lapit. Hindi lang diyalektikal na pangungusap ang matutunghayan dito sa Raymond Chandler, kundi ang World-Spirit mismo, lalo na sa mga unang pahina ng ikatlong seksyon, kung saan, mula sa bitag na “simplistiko” o “may pormula” ang mga nobela ng krimen ni Chanlder, nauwi si Jameson, lapirot ng diyalektika, sa paggiit: hindi si Chandler kundi ang lipunan ang “limitado ang imahinasyon.”

Narito rin ang isang parisukat ni Greimas, at talaga namang kahit di mo nabasa ang nobela’y mapapatango ka sa kaliwanagan nitong ibinibigay. Ang introduksyon ni Jameson sa libro ni Greimas ay apendise sa kanyang Allegory and Ideology. Nasa 80 na, tinitipon na yata ni Jameson lahat ng naisulat n’ya, para malinis ang mga papeles bago pumanaw. Dito nga sa Raymond Chandler, humingi s’ya ng paumanhin para sa mga “dated” na reference (binabanggit kasi n’ya si Nabokov at Robbe-Grillet), noon pa kasi naisulat ang mga seksyon ng “libro,” at ngayon lang binigyan ng pinag-isang anyo. Darating din siguro ang araw na hihingi ako ng paumanhin dahil sa dated na pagbanggit ko kay Jameson. Baka nga dumating na ang araw na iyon.

Tungkol kay Chandler mismo, wala akong masasabi. Hindi ko pa naman s’ya nababasa. Akala ko noon nabasa ko na s’ya, pero si Dashiell Hammett pala ang nagsulat ng The Maltese Falcon (ang tangin naaalala ko sa nobelang ito’y hindi ko ito nagustuhan). Tungkol sa mga detective novel mas Agatha Christie ang panlasa ko. The Pale Horse ang pinakamahusay n’yang isinulat. May pagkamuhi talaga si Jameson sa kanayunan. Pinuri n’ya ang sci-fi laban sa fantasy sa kanyang Achaeologies of the Future, at dito sa Raymond Chandler, may ganito ring uri ng pagbasa. Sa “klasikong” detective novel, may kaayusan sa kanayunan (sa estate ng ganito at ganyang panginoong may lupa). Ang pagpatay ay anomalya, at sa paglantad ni Poirot sa mamamatay-tao, magbabalik ang nadistorbo lamang na kaayusan. Samantala, sa mga nobela ni Chandler, ang pagpatay ay bahagi lang ng normal. Walang kaayusang nabubulabog, halos hindi nga gulo ang pagpatay. Hindi man mas makatotohanan ang ganitong hardboiled na pananaw sa mundo, ideolohikal pa rin ngang maituturing ang kaayusan sa estate na pinapalabas na natural.

Sa mga likhang Filipino, wala yata talagang tipong Agatha Christie. The Builder na ba ni Edith Tiempo ang pinakamalapit, o ang Cave and Shadows ni Joaquin? Ang retrato ng babae sa pabalas ng The Rice Conspiracy ni Carmen Guerrero Nakpil ay kuha ni Richard Gomez! Ito na yata ang pinakaintelehente kong maidaragrag sa usaping ito.

Dahil nga puro Christie, lubos akong na-disappoint nang mabasa ang Smaller and Smaller Circles ni F. H. Batacan noong 2002 o 2003. Ito ang orihinal na edisyon na inilabas ng UP Press, at may autograph pa ni Batacan ang aking kopya. Paano, dahil nga limitado ang natikman, hindi ko naintindihan na nobela ng krimen o police procedural pa nga kung tutuusin ang Smaller, nagulat na lang ako na walang listahan ng mga suspek na isa-isang iinterbyuhin ng mga paring bida hanggang sa malaman kung sino sa kanila ay may sikretong malagim. Hindi ko na rin nabalikan ang edisyong SOHO ng Smaller, o ang adaptasyon nitong bida si Ricky Davao.

Ang maugong noong 2002 o 2003 ang teoryang inilatag ng nobela. Hindi sa walang serial killer sa Pilipinas, hindi lang maayos ang pagkalap natin ng datos. Hindi tuloy natin makonekta ang kamatayang ito sa kamatayang ito. Dahil nga ang mga nagiging biktima’y ang mga walang pag-aari, wala ring may pakialam. Hindi ako sikolohista (pangarap ko noong maging sikoanalista) kaya wala rin naman akong maidaragdag sa diskusyong ito kundi ang aking walang basehang kutob at pananampalataya: ang figura ng serial killer ay pang-Kanlurang problema, at, walang serial killer na Filipino. Para lang din sigurong suicide bomber o cowboy, wala sa ating kamalayang pambayan ang ganitong uri ng nilalang. Ang palabas sa telebisyong SOCO ay mas kadugo ang mga pelikulang masaker mula dekada 90 kaysa CSI o NCIS ng Estados Unidos.

Ang koleksyon ng kaibigan kong si Chuckberry Pascual na Ang Nawawala ay, bukod sa narebyu ko na, magiging paksa ng mas mahaba, at akademikong sanaysay. Ang mga likha tulad ng kay Pascual ay kinakailangang paulit-ulit himayin at paglaruan sa isip, at wala pa akong pinal na salita tungkol dito. 

Ano kung gayon ang pagnanasa para sa utopia sa mga nobelang detective? Sa kaso ng Smaller, masasabi natin: na nabubuksan ng agham ang mga lihim ng lipunan. Na kung gagamitin tayo ng lohika at kawtiran, kung siyentipiko ang lapit natin sa mga datos, masosolusyonan natin ang mga pagpatay, at makakatulong tayo sa ating mga kapwa. Sa panahong ito ng fake news, habang nagbobolahan sa kani-kanilang echo chamber ang mga mamamayan ng ating bayan, halos hindi na nga kapani-paniwala ang walang pinapanigan at obhektibong pagtingin sa ganito at ganyang sitwasyon. 

Sa aking Santisima Trinidad (Jameson-Eagleton-Zizek), si Jameson ang Ama. Makalalake ang prosa, kailangang balik-balikan ang bawat pangungusap para magkaroon ng kahit sulyap lang sa karunungang nakatago sa mga ito. Seryoso si Jameson. Ang pinakanakakatawang pangungusap na nabasa ko sa kanya’y ang pagbalewala n’ya sa obsesyon ni Eagleton sa konsepto ng etika. Hardboiled ang imahen.

Podcast Rebyu: Ozarks

U Eliserio, Podcast Rebyu: Ozarks, podcast

It’s Sunday, it’s #podcastsunday! In Podcast Rebyu: Ozarks, U Eliserio discusses Breaking Bad, Jason Bateman, and liking mediocre TV.

U Eliserio is the author of three collections of criticism, dissecting Philippine culture and literature. Click here to check out his latest, Kontra.

Podcast Rebyu: Collectors

U Eliserio, Podcast Rebyu: Collectors, podcast

It’s Sunday, it’s #podcastsunday! In Podcast Rebyu: Collectors, U Eliserio reviews Park Jung-bae’s Collectors, and relates the feeling of liking Asian films because of “what is Western in them.”

U Eliserio is the author of three collections of criticism, dissecting Philippine culture and literature. Click here to check out his latest, Kontra.

Podcast Rebyu: Hope Without Optimism

U Eliserio, Podcast Rebyu: Hope Without Optimism, podcast

It’s Sunday, it’s #podcastsunday! U Eliserio reviews Terry Eagleton’s hopeless Hope Without Optimism, discussing Three Idiots and Saint Walker from the Green Lantern comics.

U Eliserio is the author of three collections of criticism, dissecting Philippine culture and literature. Click here to check out his latest, Kontra.

Podcast Rebyu: Atomic Habits

U Eliserio, Rebyu: Atomic Habits, podcast

It’s Sunday, it’s #podcastsunday! U Eliserio “reviews” Atomic Habits by talking about public health and his experience during the first weeks of the year 2022.

U Eliserio is the author of three collections of criticism, dissecting Philippine culture and literature. Click here to check out his latest, Kontra.

Podcast Rebyu: Inside Job

U Eliserio, “Podcast Rebyu: Inside Job”

It’s Sunday, it’s #podcastsunday! In this episode, U Eliserio reviews Inside Job from Netflix, discussing Jungian plotting, clashing tones in comedy, and the value of an outline in writing.

U Eliserio is the author of three collections of criticism, dissecting Philippine culture and literature. Click here to check out his latest, Kontra.