Taylor Swift

May linya sa “Red” (mula sa 2012 album na Red) na hindi ko maisalin nang hindi naiinterpreta: “Ang pagkalimot sa kanya ay parang pagkilala [know] sa taong hindi ko pa nga nakikilala [met].” Sa madaling sabi, imposibleng kalimutan ang lalakeng ito. Samantalang hinihiling natin sa mga mang-aawit na pumaksa ng ibang isyu bukod sa pag-ibig, pinakamahusay talaga si Taylor Swift pag nananatili siya sa abalahing ito. Pag lumilihis siya nang kaunti at nagsusubok magkomento tungkol sa “buhay,” nauuwi sa kahungkagan na kailangang suportahan ng music video para maging maganda (“Shake It Off”), o di kaya’y kahungkagang may iilang linyang nakakatawa (“Mean”: “panay pa rin ang dada na hindi ako marunong kumanta”).

Photo by Wendy Wei on Pexels.com

Hindi sa perpekto ang mga awit ng pag-ibig. Nilalahad, halimbawa, ng “You Belong With Me” ang katotohanang “walang sekswal na relasyon.” Kung paniniwalaan ang persona, bagay na bagay sila ng lalakeng kausap. Habang sinisiraan ang karibal, isa sa binida ng persona ay kakayahan niyang umintindi: “Hindi niya naiintindihan ang mga patawa mo, tulad ko.” Alam pa nga raw ng persona ang mga paboritong kanta ng lalake. Pero bakit hindi pa rin nito alam na sila ang dapat magkatuluyan? Syempre, dahil walang parehang perpekto ang pagkaakma. (Ikumpara kay Colbie Caillat: “Kung matanto mo lang ang natanto ko, magiging perpekto tayo para sa isa’t isa.” Hindi nga ba’t may kolaborasyon ang dalawa sa “Breathe” mula sa 2008 album na Fearless.)

Ano nga ba ang kapangyarihan ng mga awit ng pag-ibig? Sa kaso ni Swift, nagawa niyang barahin kahit si Shakespeare (“Love Story”: “Kinausap ko ang tatay mo, pumili ka na ng damit pangkasal”). Dalawang buhay sana ang naligtas kung may sapat na dunong ang labing pitong taong gulang na naman na si Romeo na kausapin ang kanyang tiyuhin. Samantala, sa “Fifteen,” nalahad ni Swift ang isang susing kabatiran tungkol sa ideolohiya: “Pag kinse anyos ka, at may nagsabi sa iyong mahal ka niya, maniniwala ka.” Kulang nga lang, kasi anoman ang edad mo, pag may nagsabi sa iyong mahal ka niya, maniniwala ka. Kaya nga kaawa-awa ang persona ng “All Too Well.” Kilig na kilig siguro ito nang magsayaw sila sa kusina na galing lang sa refrigerator ang ilaw. Parang eksena mula sa pelikula! Ang “All Too Well” na tinutukoy dito ay hindi ang mga detalye tungkol sa paglabag sa batas trapiko o pagsusuot ng salamin bilang bata, kundi ang tindi ng lugod na nararanasan ng taong nasabihan ng “Mahal kita.” Hindi naman talaga kaswal na malupit ang lalakeng nang-iwan, kaswal siyang malupit dahil nang-iwan siya. May elemento ng pantasya ang pag-ibig, at sa “Wildest Dreams” may pagtanggap na si Swift na nagtatapos ang mga relasyon. Nagsisimula pa lamang ang kanilang ugnayan ay alaala na inaabala ng persona, dahil nga sa huli, ang mga pantastikong alaala na lang na ito ang natitira. 

Eksepsyon sa batas sa unang talata ang “The Lucky One,” na interteksto ni Swift sa “Lucky” ni Britney Spears. Samantalang nalugmok lang sa iyak ang inaawitan ni Spears, tumakas ang “Lucky One” ni Swift. Sa pagdiriwang ni Swift sa landas na ito (“kinuha mo ang pera mo at dignidad mo at tumakas ka”), sinasabi niyang iba ang pera sa katanyagan. Maari tayong gumawa ng matrix (P = pera, K = katanyagan, + = mayroon, – = wala): +P/+K (Elon Musk), -P/+K (Spears), +P/-K (“Lucky One”), -P/-K (ang nagsulat at nagbabasa sa sanaysay na ito). Sa ganitong eskema, tama nga ang “Lucky One” dahil walang silbi ang Katanyagan kung walang Pera. Paano natin ito maitatahi sa ideolohiya ng obra ni Swift? 

Ang pagnanasa, pag-ibig, at pag-alala ay pagkilala, na siya rin namang hinahangad ng mga humahabol sa katanyagan. Pero aanhin naman ang pagkilalang ito kung walang laman ang tyan? 

U Eliserio’s second album, Chant Yon, will be available on October 31, 2022. Click here for more details.